Thursday, March 8, 2012

Journal Entry: Huli Na

Huli Na

Sa mga entring ginawa

Tungkol sa maraming paksa,

Napansin kong hindi akma

Na lahat ay gawing tula.


Siguro mahusay sana

Kung mga anyo ay iba.

Sa laman ay mag-ingat pa

Para tiyak na pumasa.


Wala nang puwedeng gawin

Para marka’y pataasin.

Hindi dapat madaliin

Ang mga takdang-aralin.

Journal Entry: Bilog

BILOG

Gumising ako nang maaga. Kumain. Naghanda.

Naghanda para sa darating na araw na puro gawain,

Gawain na paulit-ulit na nangyayari araw-araw.

Araw-araw, pupunta ako sa aking paaralan.

Paaralan ang nagiging lugar ko para mag-aral at maglibang.

Maglibang nga ba ang tamang salita kung sa totoo’y hindi naman ako natutuwa?

Natutuwa naman ang mga ibang estudyante dahil nagkikita sila ng kanilang mga kaibigan,

Kaibigan nga ba ang tawag sa mga ito?

Ito bang mga taong ito ay tunay na nasisiyahan o kaya’y nagkukunwari?

Nagkukunwari para lang may makasama.

Makasama man ako o hindi, wala akong pakialam.

Pakialam ko lang ang makaalis sa paulit-ulit.

Paulit-ulit na gawain, paulit-ulit na pangyayari, paulit-ulit na usapan, paulit-ulit na buhay.

Buhay ay ninanais kong mag-iba sa bawat tapiksilim.

Takipsilim na, ngunit walang nag-iba at tapos na muli ang oras ng pagod.

Pagod ang nararamdaman kahit na sabihing nasanay na dapat.

Dapat matulog na ata ako,

Ako na nalulungkot sa buhay na iisa lang ang katotohanan.

Katotohanan na lahat na nangyayari sa aking kapaligiran ay uulit kapag ako’y gumising.

Journal Entry: Debate

Debate

Minsan,

talagang may mga taong

mahirap kausapin.

Kapag sinubukan

mong makipagtalo

sa kanila,

paulit-ulit

nilang gagamitin

ang kanilang argumento

kahit alam nilang mahina.

Kapag natulak

na sila

sa sulok,

biglang sasabog

ang mga salitang

akala’y

puno ng awtoridad,

ngunit

sa totoo

ay inutil

laban

sa lohika:

Because

I

said so.

Journal Entry: Sir Pagsi

Sir Pagsi

Sa aking unang taon sa Mataas na Paaralan ng Ateneo,

Nakilala at nakasama ko ang isang ‘di pangkaraniwang guro.

Nang siya ay pumasok sa aming kuwarto,

Diyos ko! Parang nakita ko ang aking lolo.


Sa kanyang pagtuturo, paminsan-minsan ay biglang aawit.

Mahalagang turo sa buhay mga sinasambit.

Sa araw-araw na pagpasok sa silid-aralan ay makikita,

Isang bago at makahulugang salawikain sa pisara.


Tuwing Miyerkules nang umaga, kami ay kanyang pinagsisimba

Upang magpasalamat sa mga grasya.

Aniya, “Tulad ng kapilya sa gitna ng kampus ng Mataas na Paaralan ng Ateneo,

Si Kristo ang dapat na sentro ng buhay niyo.”


Sobra-sobrang paghanga ko sa iyo, aking guro.

Tunay kang inspirasyon sa buhay ko.

Isa ka sa mga humubog sa aking pagkatao

Dito sa mahal kong paaralang Ateneo.

Wednesday, March 7, 2012

Journal Entry: Mamang Taho

Mamang Taho

Tilaok ng manok sa akin ay bumati,

Sa daang aking tinatahak, pagaspas ng walis ni Inday naririnig ko muli.


Kumalabog ang puso sa aking dibdib,

Nang marinig ang alingawngaw ng iyong tinig.


Dali-daling dumagundong ang yapak ng aking mga paa,

Kalansing ng mga barya sa bulsa ay ‘di alintana.


Kumukulingling ang maliit na kampana sa munting eskuwela,

Nangibabaw ang tinig nito sa aking tainga.


Sa wakas, narating ko ang iyong kinaroroonan.

“Yehey!” sa iyo aking naulinigan.


Klang! Klang! Pagbagsak ng takip ng aking lata,

“Ayan suki, taho ko ay mainit pa.”

Journal Entry: Telebisyon

Telebisyon

Kapag ikaw ay aking nakasama,

Maghapon sa iyo ay nakatanga.

Kamangha-mangha ang nakikita.

Ibang-iba ka talaga!


May panahong puso ko’y titibok-tibok

Kapag nasilayan ko sa iyo ay nakakatakot at sari-saring pagsubok.

Maririnig naman sa akin ay halakhak

Sa mga pangyayaring nakakatuwa o ‘di kaya’y puno ng galak.


Kadalasan utak ko ay napupuno ng kaalaman

Sa mga pinakikita mong katalinuhan.

Hangang-hanga rin ako sa paglalakbay mo sa iba’t ibang bansa

Dahil nakakasagap ako ng mga balita.


Alam mo, may pick-up line ako para sa iyo.

Rabies ka ba ng aso?

Bakit, ika mo?

Kapag nandiyan ka, nauulol ako sa ‘yo!