Baluuuuut! Baluuuuut kayo diyan! Ano nga ba ang gabi-gabi na lang na iniaalok ng mamang ito at kadalasan ay makikitang ibinebenta tuwing sasapit na ang kadiliman sa halos lahat ng lungsod at kalye sa Pilipinas: sa Pateros, Rizal, Quiapo, Blumentritt, Sampaloc, sa Luneta at kung saan-saan pa?
Ano nga ba ang balut? Base sa aking karanasan ng pagkaing ito, ang balut ay nilagang itlog ng itik o bibe na may isang buong sisiw sa loob o ang tinatawag na fertilized duck egg. Ito raw ay mayaman sa bitamina at protina kaya itinuturing itong isang pagkain pampalakas. Para sa ating mga Pilipino, ang balut ay isa sa mga pinakakilala at pinakapaboritong pagkaing kalye o street food ng bansa. Pangkaraniwan itong kinakain ng mga Pinoy bilang pulutan, kasama sa handaan o hindi kaya’y ulam.
Sa maraming pagtitipon na aking nadaluhan kasama ang aking pamilya, madalas ay nariririnig ko sa mga kalalakihan ang usapan tungkol sa balut. Sabi ng isa, “Pare, kumain ka ng mga limang balut para makarami kayo ni kumander at pampatigas ng tuhod ‘yan!” Pagkatapos nito ay lalagok ng serbesa o kahit na anong panulak. Ang mga Pinoy pa! Mahilig na sa pagkain, mahilig pang kumain! Proudly Pinoy, sabi nga nila, ang balut. Ito ay isa lamang sa mga aspekto ng kulturang Pilipino na nagsasalamin ng ating pagkatao: matapang at walang takot sa pakikipagsapalaran sa hindi pangkaraniwan.
Ngunit, para sa iba, lalung-lalo na sa mga dayuhan, isa itong nakapandidiri at kakaibang uri ng pagkain. Sa katunayan ay isinama ang pagkain ng balut bilang isang pagsubok sa reality show na Fear Factor upang mapanalunan ng mga kalahok ang premyong limampung libong dolyar. Sa mga dayuhan, ang balut ay isang di-pangkaraniwan at hindi pamilyar na pagkain kaya naman sila ay kadalasang nandidiri, nasusuka o natatakot kapag nalaman nilang ito ay isang unfertilized duck egg na kailangan isubo ng buo upang malasap ng husto ang kasarapan nito. Dagdag pa dito, sa pananaw ng mga dayuhan ay isang karumal-dumal na halimaw ang kinakain nating mga Pilipino kung kaya’t kailangan pa silang bigyan ng limampung libong dolyar para lang kumain ng balut.
O, huwag naman tayong magtampo at maging sensitibo kung hindi masakyan ng mga dayuhan ang ating balut. Kanya-kanya lang yan! Ang balut ay para sa ating mga Pilipino tulad ng kesong may amag, mabaho at may uod para naman sa mga taga-Europa. May mga bagay na talagang akma lamang para sa kultura ng isang lipunan o bansa. Magkakaiba ang kultura ng bawat lahi. Maaaring magkaroon ng mga konsepto at aspektong magkatulad pero sa kabuuan ay magkaiba pa rin at may kanya-kanyang katangian. Ang mga pagkakaibang ito ang humuhubog at nagbibigay sa bawat lahi ng sarili nilang mga pagkatao, pagkakakilanlan, paniniwala at mga tradisyon. Kung magkakagulo tayo dahil sa mga pagkakaiba natin, tuluyan nang mawawalan ng kapayapaan sa buong mundo. Ang pagtanggap sa mga pagkakaiba ng bawat isa at bawat lahi ay ang tanda ng mas malalim na pag-unawa sa sangkatauhan.
Isaayos ito sang-ayon sa "Gabay sa Ispeling." Sa ikalawang pangungusap pa lang, may mali na (diyan o d'yan, hindi dyan). Kapag naayos na ang buong entri, i-e-mail muli sa akin ang link.
ReplyDeleteMay ilan pang pagkakamali tulad ng dapat ay "lalong-lalo," "dagdag pa rito," at iba pa. Gayumpaman, binibigyan kita ng +1 na LG para rito. Sa susunod, hindi ko na tatanggapin kapag marami pa ring kawalang-ingat sa pagsusulat.
ReplyDelete