Saturday, February 25, 2012

Journal Entry: Mahabang Pagsusulit

Bago Kunin ang Mahabang Pagsusulit

Nag-aral nang isang linggo,

Para sa pagsubok na ‘to.

Ngunit, nararamdaman ko

Na sakit ito sa ulo.


Habang Sinasagutan ang Mahabang Pagsusulit

Madali pa noong una,

Wala na sa pangalawa.

Nang pangatlo’y natapos na,

Nagdasal para pumasa.


Nang Binalik ang Mahabang Pagsusulit

Dahil sa pumasang marka,

Dapat ako’y lumigaya.

Ngunit, ‘di dapat magsaya

Sa grado na “puwede na”.

Saturday, February 18, 2012

Journal Entry: Salitang Sampaloc

Narinig mo na bang magsalita ang mga astig ng Sampaloc, Maynila? Naalala ko ang sinabi ng tiyahin kong masungit na mga salitang kanto raw ang tawag doon. Ang mga salitang ito ay ginagamit ng mga siga at tambay sa kanto ng Sampaloc. Ang mga ito ay mga salitang hiram o pinaikli na binigyan ng bagong kahulugan. Kaya mga ‘tol, repapips, at mga bebot, pagtripan na natin ang mga salitang kanto ng Sampaloc.

Sino ba sa inyo, ni minsan sa buong buhay ninyo, ay hindi pa nakagamit o nakarinig man lang ng mga salitang kanto? Siguro karamihan sa atin, hindi man aaminin, ay may pagkakataong gumamit at nakarinig na ng mga salitang kanto ng Sampaloc. Halimbawa ay ang salitang “tsibog” na kadalasan ay naririnig at ginagamit din sa iba’t ibang kanto sa lungsod ng Maynila. Sa kapitirya ay minsan ko itong naririnig sa mga ibang mag-aaral kapag nagkakayayaan nang kumain, “Pare, tsibog na tayo!” Hanep pakinggan ‘di ba?

Sa kalye Sampaloc, sa lungsod Maynila, may mga ginagamit ang mga tambay na katutubong salitang kanto ng Sampaloc. Kapag ang mga ito ay narinig, maaring mataranta, mainis o maintriga ang taong nakarinig. Halimbawa, maaring ikagulat ng isang Atenistang taga-Dasma kapag narinig niya ang isang bagets na humihingi ng “tiktak” (pera) para makabili ng “tsitsarong tepok” (tsitsarong puro taba at laman) sa kanyang kuya para “makatsibog” (makakain) ng meryenda.

Maraming salitang kantong Sampaloc ang ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap. Ang paggamit sa mga salitang ito ay iniaangkop sa sitwasyon. Sa mga pormal na pagsasalita at pagsusulat, hindi maaring gamitin ang mga salitang ito. Halimbawa, sa isang pormal na pagtitipon na kasama ang boss o guro, hindi mo maaaring sabihin, “Sir, “pan de bubog” (magarbong suot) ang “lonta” (pantalon) at “toga” (sapatos) mo ngayong gabi.”

May mga salitang galing Sampaloc na naging bahagi na rin ng ating salitang Pilipino. Ilan sa mga ito ay tulad ng salitang “rambol” (away), “upak” at “ombag” (suntukin o bubugin), “toma” (inuman sa isang pagdiriwang).

Ayos! Mga ‘tol, ito na ang mga salitang Sampaloc na natutunan ko sa mga “bitar” (eksperto) na mga tambay sa Sampaloc. Makapagpaalam na nga at makapagpasalamat para “makaiskiyerda” (makaalis) na sa kanilang “tarima” (teritoryo).

Sunday, February 12, 2012

Journal Entry: Anak ng Pato!

Baluuuuut! Baluuuuut kayo diyan! Ano nga ba ang gabi-gabi na lang na iniaalok ng mamang ito at kadalasan ay makikitang ibinebenta tuwing sasapit na ang kadiliman sa halos lahat ng lungsod at kalye sa Pilipinas: sa Pateros, Rizal, Quiapo, Blumentritt, Sampaloc, sa Luneta at kung saan-saan pa?

Ano nga ba ang balut? Base sa aking karanasan ng pagkaing ito, ang balut ay nilagang itlog ng itik o bibe na may isang buong sisiw sa loob o ang tinatawag na fertilized duck egg. Ito raw ay mayaman sa bitamina at protina kaya itinuturing itong isang pagkain pampalakas. Para sa ating mga Pilipino, ang balut ay isa sa mga pinakakilala at pinakapaboritong pagkaing kalye o street food ng bansa. Pangkaraniwan itong kinakain ng mga Pinoy bilang pulutan, kasama sa handaan o hindi kaya’y ulam.

Sa maraming pagtitipon na aking nadaluhan kasama ang aking pamilya, madalas ay nariririnig ko sa mga kalalakihan ang usapan tungkol sa balut. Sabi ng isa, “Pare, kumain ka ng mga limang balut para makarami kayo ni kumander at pampatigas ng tuhod ‘yan!” Pagkatapos nito ay lalagok ng serbesa o kahit na anong panulak. Ang mga Pinoy pa! Mahilig na sa pagkain, mahilig pang kumain! Proudly Pinoy, sabi nga nila, ang balut. Ito ay isa lamang sa mga aspekto ng kulturang Pilipino na nagsasalamin ng ating pagkatao: matapang at walang takot sa pakikipagsapalaran sa hindi pangkaraniwan.

Ngunit, para sa iba, lalung-lalo na sa mga dayuhan, isa itong nakapandidiri at kakaibang uri ng pagkain. Sa katunayan ay isinama ang pagkain ng balut bilang isang pagsubok sa reality show na Fear Factor upang mapanalunan ng mga kalahok ang premyong limampung libong dolyar. Sa mga dayuhan, ang balut ay isang di-pangkaraniwan at hindi pamilyar na pagkain kaya naman sila ay kadalasang nandidiri, nasusuka o natatakot kapag nalaman nilang ito ay isang unfertilized duck egg na kailangan isubo ng buo upang malasap ng husto ang kasarapan nito. Dagdag pa dito, sa pananaw ng mga dayuhan ay isang karumal-dumal na halimaw ang kinakain nating mga Pilipino kung kaya’t kailangan pa silang bigyan ng limampung libong dolyar para lang kumain ng balut.

O, huwag naman tayong magtampo at maging sensitibo kung hindi masakyan ng mga dayuhan ang ating balut. Kanya-kanya lang yan! Ang balut ay para sa ating mga Pilipino tulad ng kesong may amag, mabaho at may uod para naman sa mga taga-Europa. May mga bagay na talagang akma lamang para sa kultura ng isang lipunan o bansa. Magkakaiba ang kultura ng bawat lahi. Maaaring magkaroon ng mga konsepto at aspektong magkatulad pero sa kabuuan ay magkaiba pa rin at may kanya-kanyang katangian. Ang mga pagkakaibang ito ang humuhubog at nagbibigay sa bawat lahi ng sarili nilang mga pagkatao, pagkakakilanlan, paniniwala at mga tradisyon. Kung magkakagulo tayo dahil sa mga pagkakaiba natin, tuluyan nang mawawalan ng kapayapaan sa buong mundo. Ang pagtanggap sa mga pagkakaiba ng bawat isa at bawat lahi ay ang tanda ng mas malalim na pag-unawa sa sangkatauhan.